MinDA, magtatayo ng BP2 pilot areas sa northern Mindanao

Date:

Share post:

ILIGAN CITY (6 Mayo 2020) — Binisita ni Mindanao Development Authority (MinDA) Chairperson, Secretary Manny Piñol, ang lalawigan ng Lanao del Norte at inihayag na napili ang bayan ng Kauswagan bilang isa sa mga pilot areas kung saan magtatayo ng ‘model communities’ sa ilalim ng Balik Probinsiya, Balik Pag-Asa Program (BP2) ng pamahalaan.

Ito ay matapos pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 114 upang pormal nang simulan ang pagpapatupad ng orihinal na mungkahi ni Senador Christopher “Bong” Go na palakasin ang ‘regional development’ upang mabigyan ng pagkakataon ang mga naninirahan sa National Capital Region na makauwi sa kani-kanilang probinsiya at magsimula ng kanilang pamumuhay doon.

Ayon kay Piñol, pangangasiwaan ng MinDA ang pagpapatupad ng BP2 sa Mindanao.

Ang bayan ng Kauswagan sa Lanao del Norte ay isa sa mga napiling lugar na pagtatayuan ng model community kung saan ang iba’t ibang sangay ng gobyerno ay magtutulungan upang mabuo at maisakatuparan ang nasabing programa. Sa pamamagitan ng whole of nation approach, pagtutulungan ng nasyonal at lokal na pamahalaan, kasama ang iba’t ibang sangay nito, ang malawakang pagpapatupad ng programa.

Iprinisinta ni Piñol ang BP2 kay Kauswagan Mayor Rommel Arnado at pinaintindi sa alkalde ang ninanais ng kanyang tanggapan at ang magandang layunin nito para sa pauuwing mga taga Lanao del Norte na kasalukuyang namumuhay sa Metro Manila.

Sa ilalim ng programa, inalok ng MinDA chief ang munisipyo ng broiler production kasama ang communal poultry raising, vegetable growing, hog raising, dairy farming, fish cage, at cooperative furniture making, bilang pangunahing component ng programa upang maihanda ang model community para sa mga residenteng pauuwiin sa probinsiya.

Malugod na tinanggap ni Arnado ang alok ni Piñol at nangako itong bibigyang prioridad ang programa sa pamamagitan ng paglaan ng lupa kung saan itatayo ang model community. Sinabi din ni Arnado na kasama sa LGU counterpart ay ang pagpapagamit ng ‘fully mechanized organic farming system’ upang maging mas madali ang pagtatayo ng organic farms sa nasabing komunidad.

Ipinakita ni Kauswagan Mayor Rommel Arnado kay MinDA Sec. Manny Pinol ang farming equipment na gagamitin ng munisipyo bilang local government counterpart sa itatayong model community sa ilalim ng Balik Probinsiya, Balik Pag-asa Program. Kasama din sa LGU counterpart ang paglalaan ng lupa para sa model community. (LGU Kauswagan)

Ayon kay Piñol, matagal na niyang iniisip na gawing modelo ang Kauswagan dahil sa kapasidad nito at kakayahang gawing matagumpay ang programa.

“Natutuwa akong pumunta dito dahil alam ko ang kapasidad ni Mayor Arnado. Sa katunayan, bago ako pumunta dito, naiisip ko na ang Kauswagan na i-tap ko bilang pilot area. Masaya akong mayroong counterpart na kaagad na lupa at equipment para sa organic agriculture at farming,” ayon kay Piñol.

Hiniling din ni Piñol kay Arnado na ipaabot ang pasasalamat nito kay Lanao del Norte Governor Imelda “Angging” Dimaporo sa suportang binibigay nito matapos ipaabot ni Arnado sa gobernador ang balita tungkol sa pagkakapili ng lalawigan bilang isa sa mga model areas ng programa.

Dagdag pa ni Piñol, babalik ang kanyang grupo sa nasabing lalawigan upang gawing pinal ang teknikal na detalye at ang pagbuo ng memorandum of agreement. Inilahad din ng kalihim na inaasahang mabubuo ang programang ito sa loob ng tatlong buwan.

Kasama din sa mga mabubuong pilot areas sa Mindanao ang lalawigan ng Zamboanga del Norte.

Editha Z. Caduaya
Editha Z. Caduayahttps://newsline.ph
Edith Z Caduaya studied Bachelor of Science in Development Communication at the University of Southern Mindanao. The chairperson of Mindanao Independent Press Council (MIPC) Inc.
spot_img

Related articles

DFA hopeful for ‘positive development’ in talks to free Houthi-held Filipino seafarers

MANILA (November 19) — The Department of Foreign Affairs (DFA) is seeing “something positive” in ongoing efforts to...

Davao de Oro rolls out faster, fully digital health referral system

NABUNTURAN (November 19) ---  Davao de Oro has officially launched its new Integrated Referral Information System (DDO-IRIS), giving...

DSWD appeals: Don’t give alms — help IPs, street families the right way

MANILA (November 19) — As the Christmas season approaches, the Department of Social Welfare and Development (DSWD) is...

Child abuse cases in Caraga down 20%, but online threats surge

BUTUAN CITY (November 19) — Child abuse cases in Caraga fell by 20% this year, police reported, even...