KAUSWAGAN, LANAO DEL NORTE — Muling bumisita dito si Mindanao Development Authority (MinDA) Administrator, Secretary Manny Piñol, araw ng Martes upang magsagawa ng inspeksiyon sa lugar na inihanda para sa “Balik Probinsiya, Bagong Pag-Asa (BP2) program na isinusulong ng national government.
Kasama ni Piñol ang kanyang technical team at ang mga kinatawan ng TESDA at National Housing Authority mula sa Rehiyon 10.
Ang Barangay Tacub ang siyang napiling lugar ayon kay Municipal Mayor Rommel Arnado, dahil malapit ito sa dating relocation sites at malapit din sa communal organic farm areas na itinatag ng munisipyo para sa barangay. May kuryente at water system ang lugar kung kaya’t tamang tama itong gawing model community para sa proyekto.
“Ang lupain na ito dito sa Tacub ay talagang angkop na mapatayuan ng komunidad dahil kumpleto sa pailaw at patubig kaya magiging mas madali sa mga pamilyang titira dito,” ayon kay Arnado.
May apat na ektarya ang napipintong lugar para sa pagpapatayo ng kabahayan ng mga magsisipag-balik sa probinsya. Ito ang counterpart ng munisipyo para sa BP2.
Samantala, matapos ang site visit ay nagkaroon ng pulong sa pamamagitan ng teleconference ang mga line agencies na kasapi ng Balik Probinsiya Council. Kasama sa nasabing teleconference ang DSWD, TESDA, DENR, NHA, DAR, DPWH, NEDA, DILG, DTI, CHED, CDA, DOLE, DOH, DBM, at Department of Tourism. Dumalo din sa teleconference si Lanao del Norte Governor Imelda ‘Angging’ Dimaporo subalit hindi ito nakapag salita sa pulong dahil sa technical problem na nangyari sa online teleconference.
Layunin ng pulong ang pagtalakay ng mga kasaping ahensya ang mga posibleng isyu na dapat tugunan, upang masimulan at maipatupad ang programa. Inisyal na pinag usapan din ang bubuuing guidelines ng programa.
Nais ni Piñol na masimulan na ang proyekto sa lalong madaling panahon.
“Kailangan masimulan na ito at magtakda ng ‘doable timeline’ para sa proyekto,” ayon kay Piñol.
Nagpasya si Piñol na personal na puntahan si Gob. Dimaporo sa opisina nito sa Tubod, Lanao del Norte pagkatapos ng teleconference upang personal na ibigay dito ang detalye ng BP2 subalit hindi na nito naabutan sa kanyang opisina. Magkakaroon ng hiwalay na pulong ang MinDA chief at ang gobernadora para sa detalye ng pagpapatupad ng programang sa nasabing probinsiya.
Matatandaang pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 114 kung saan pormal na binuo ang council ng mga ahensiya ng gobyerno na inaasahang magplano at mag implement ng programang ito.
Ang inisyatibang ito ay nagmula sa orihinal na mungkahi ni Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go na magkaroon ng ‘whole of government approach’ sa pag decongest ng Metro Manila at mga siyudad ng Cebu at Davao.
Isa ang Lanao del Norte sa apat na pilot areas sa Mindanao na pangangasiwaan at sisimulan ng MinDA. Nagkumpirma na rin ang mga local chief executives ng Zamboanga del Norte, Bukidnon at North Cotabato para sa programang ito. –PR